Tuesday, March 31, 2009

Allergic

Gusto ko mang malaman kung bakit pasulpot-sulpot siya e di ko magawa. Palagi nalang akong pinahihirapan nito. Hindi siya mawala-wala kung kailan ko gusto. At kung hindi ko rin siya kailangan (dahil hindi ko naman siya kakailanganin) e nandidiyan lang siya at nakakapit… sa balat ko.

Kainis. Kating-kati na ko. Gusto ko talagang kamutin. Tiningnan ko na ang mahiwagang lalagyan ng abubot pero nang buksan ko ang takip ng bilugang container ay simot na simot na ang laman. Napabuntong-hininga nalang ako at kumamot ako muli.

Ano ba kasi ang nangyari nanaman? May kinain ba ko? Wala namang masamang epekto siguro ang burger sa balat. Ah, oo. Umulan nga pala ngayon. Heto nanaman sa biglang paglamig ng klima—sumulpot nanaman siya. Bwisit talaga sa buhay ko to. Dahil dito, malamang ay hindi na talaga ako magsuot ng mini skirt sa labas ng bahay.

Pag nawala naman siya kasi ay nag-iiwan ng masagwang marka… sa balat ko. Iisang lugar ang pinaglalagyan at pinag-iiwanan niya ng marka. Peklat na hindi na rin maiibsan ng kung anumang whitening solution o cream na ireseta ng Dermatologist. Wala na talagang pag-asa, doon at doon lang din naman siya sumusulpot.

Ganito nalang ba tayo palagi?

0 comments:

Post a Comment